Rebyu ng WHEN CHINA SNEEZES: From the Coronavirus Lockdown to the Global Politico-Economic Crisis. Cynthia McKinney, editor; Nilimbag ng Clarity Press
Ni JOEL P. GARDUCE Ngayong krisis COVID-19, pihadong madalas mong ramdam na nilalansi ka. Ramdam nating mga Pilipino yan. Palyadong update sa stats ng COVID-19, todong-pagkait sa grabeng korapsyon sa karurukan ng gubyerno, lantarang pagsisinungaling ng mga troll sa social media, hanggang blackout sa tutoong kalusugan ni Duterte—pinalala pa ang masamang lagay na ito ng daloy ng impormasyon nang pinasara ang ABS-CBN, dambuhalang network sa Pilipinas na isa rin sa pinakamalaking midya sa Timog-Silangang Asya, matingkad na patunay sa patuloy na atake ng gubyerno sa kalayaang mamahayag. Sa tutoo’y palasak ang mga kasinungalingan maging sa buong mundo. Aktibong gatekeeping ang mapapansin sa social media magmulang ideklara ang W.H.O. ang pandemya. Sa ngalan ng pagtigil sa misimpormasyon at disimpormasyon, marapat na sinara ng Facebook, Twitter, Instagram at Youtube ang masasabing mga alt-right at pasistang account at post. Pero lagpas-lagpas pa dito ang ginawa ng mga higanteng ito ng Internet. Kasama ang mga nangungunang search engine gaya ng Google, minanipula ng mga ito ang mga search at feed algorithms para sagarang itulak sa laylayan ang mga account at post ng alternatibong midya na taimtim na nag-uulat sa mga anomalya at trend na di umaayon sa naratibo at adyenda ng establisimyento. Ilan sa mga biktimang independyenteng midya ang Truthout.org, Mint Press News, Global Research, Information Clearing House, WhatReallyHappened.com, Popular Resistance, Telesur, at RT (Russia Today); mga awtor gaya nina Mark Crispin Miller, Mark Taliano, Dr V.A. Shiva Ayyudarai at Pepe Escobar; at maraming alternative health websites. Resulta, bugbog sa walang-kabuluhang ingay ang sangkatauhan. Gaya nga ng nasabi ng Amerikanong musikerong si Jackson Browne, “the more you watch, read and listen, the less you know” (mas marami kang pinanonood, binabasa at pinakikinggan, mas konti ang iyong nalalaman). Pero ang kasaysayan ay hindi naman nagbibigay ng mga problema nang walang mga solusyon. Kahit pa walang kasintindi ang pagsisikap ng establisimyento na i-hijack ang daloy ng impormasyon, lumilitaw ang mga pwersang nagsisikhay na pangibabawan ang mga panlalansi. Ang librong WHEN CHINA SNEEZES: From the Coronavirus Lockdown to the Global Politico-Eonomic Crisis, isang bagong-labas na koleksyon ng mga akdang pumapatungkol sa COVID-19 na nilimbag ng Clarity Press at inedit ng palabang dating kongresista sa U.S. na si Cynthia McKinney, ay isang mahalagang ambag mula sa matuturing nating malapad na pandaigdigang kilusang COVID-19 para sa katotohanan, kalayaan at kalusugan. Beterano sa paghahanap ng katotohanan ang editor ng libro Hindi bago sa gawaing paghahanap ng katotohanan ang editor ng librong ito. Bilang Democrat mula Georgia sa Kongreso ng U.S. noong 2002, nangahas manawagan nang maaga si Representante McKinney ng lubos na imbestigasyon sa mga teroristang atake sa Amerika noong 9/11 ng 2001, kasama na ang pagsuri kung tumanggap ang noo’y Pangulong George W. Bush at iba pang opisyal ng U.S. ng maagang babala pero sawing napigilan ang terorismong ito. Nag-iisang tinig sya sa Kongreso ng U.S. na humiling ng imbestigasyong ito. Ginawa nya ito wala pang pitong buwan matapos ang 9/11 kung kelan bitag pa ang balana sa U.S. at buong daigdig sa opisyal na conspiracy theory na tanging sina Osama bin Laden at 19 na Muslim hijacker mula al-Qaeda ang may pakana ng mga atakeng ito. Sa kanyang pagsisikap na singilin ang katotohanan, siniraan si McKinney ng mga kampon ng gubyerno sa maraming establisimyentong midya sa Amerika. Naging biktima sya ng pandaraya mula kapwa sa partidong Democratic at Republican at inagaw sa kanya ang sana’y ikaanim nyang termino bilang kongresista. Kahit pa man, klarong di napigilan si McKinney sa kanyang aktibismo para sa karapatang pantao, pagkakapantay ng mga lahi, at pandaigdigang kapayapaan. Siya pa nga ang naging kandidato sa pagkapangulo ng Green Party noong 2008, at naging patnugot sya ng tatlong palabang publikasyon, kasama na ang When China Sneezes. Mga paghahalintulad ng COVID-19 at 9/11 Gaya ng pag-alpas ni McKinney, ang kilusang katotohanang 9/11 (9/11 truth movement) na tinaguyod nya ay nakaalpas din sa matinding paninira, at lumitaw ang mga grupo gaya ng Architects and Engineers for 9/11 Truth (Mga Arkitekto’t Inhinyero para sa Katotohanang 9/11) na naglalantad sa maanomalyang pagdemolish sa WTC7, ang pangatlong gusali sa New York na bumagsak noong 9/11 gaya ng Twin Towers pero hindi naman tinamaan ng alinman sa mga na-hijack na eroplano. Sa totoo lang, may natatanging paghahalintulad ang paglitaw ng COVID-19 ngayong taon sa naganap na 9/11 noong 2001. Parehong walang kaparis na pangyayari ang dalawa na sumalanta sa buong mundo at gumulantang sa sangkatauhan. Parehong may di-inaasahang malaking bilang ng kaswalti. Binunsod ng kapwa pangyayari ang pagbulusok ng ekonomya ng daigdig. Binunsod ng parehong pangyayari ang malawakang pagpataw ng mga hakbanging mapanupil sa kalayaang sibil. Naging oportunidad ang parehong pangyayari para kumamal ng limpak-limpak na superganansya ang mga makapangyarihang pandaigdigang interes. At inianak ng kapwang pangyayari ang maraming siryosong tanong at usapin na nagtuturo sa malalaking anomalya at tutoong kutsabahan na humihingi ng karampatang sagot para sa sangkatauhan. Sa entrada pa lang, nagbabala na si McKinney na “magsuot ng seatbelt, dahil pagkatapos nyong basahin ang mga pahinang ito, hindi na gaya nang dati ang magiging pananaw mo sa kalusugan, yaman at paggugubyernong pandaigdig.” Sa puntong ito, tagumpay ang libro. Mahusay na napagtipon ni McKinney ang mga maalam na malalim na sumuri sa samut saring bahagi ng nagaganap na pandaigdigang krisis sa kalusugan, ekonomya at pulitika.. Nagmula ba ang SARS-CoV-2 sa biodefense lab? Sa Unang Bahagi ay kaagad na tumutok sa esensyal si Jeff J. Brown, curator ng Bioweapon Truth Commission Global Online Library, sa pagsuri sa mismong sakit na COVID-19 at ang SARS-CoV-2 virus na nagbubunsod dito, sa paraang madaling intindihin. Solidong nag-ambag sya sa matagal-nang-nararapat na kumprehensibong imbestigasyon sa pinagmulan ng SARS-CoV-2 nang binahagi nya ang mga sinupil na syentipikong pag-aaral na nagsabing may katangian ang virus na di-maaaring bunga ng likas na ebolusyon. Oo, mas tiyak na nagmula ang virus sa isang laboratoryong “biodefense” (terminong Orwellian ng establisimyento para sa biowarfare). Naipamalas mang malamang na resulta ang virus ng isang “gain-of-function” biolab op, diniin ni Brown na di karapat-dapat na ituring na pandemya ang bagong coronavirus na sakit na ito. Malayong mas mababa aniya ang matagalang trend ng mortality rate ng COVID-19 kumpara halimbawa sa pulmonya. Yan pa rin nga ang trend magpahanggang ngayon: sa suma total na 35,152,675 kaso ng COVID-19 sa buong mundo na naitala nitong Oktubre 4, ang bilang ng namamatay sa nasabing sakit ay 1,038,151. Lumalabas na 2.95% ang mortality rate ng sakit na ito. Mas mababa ito sa 5% hanggang 10% ng pulmonya, at malayung-malayo sa 10% mortality rate ng (namaling-itaguring) “Spanish flu” na kumalat noong panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig, sakit na kataka-takang kinumpara agad ang COVID-19 sa maagang bahagi pa lang ng nagaganap na krisis pangkalusugan. Ang binubusalang istorya ng pagkagapi ng China sa COVID-19 Sa Ikalawang Bahagi, detalyadong pinaliwanag naman ng propesor at retiradong negosyante na si Larry Romanoff ang matagumpay na pagtugon ng China sa kumalat na COVID-19, bagay na hindi lumaganap sa ibang bahagi ng mundo. Ang naiibang kaayusang sosyal ng bansa ay nagbigay ng pwersa sa kung paanong napangibabawan ng China ang COVID-19: mula sa sistema ng kalusugang publiko na binigyang-halaga ng gubyerno hanggang sa malakas na pambansang kapatiran at pagtutulungang pinamalas ng taumbayang Tsino sa panahon ng salanta. Hindi tinago ni Romanoff ang mga pagkakamaling nagawa sa proseso, pero nakikita naman nating lahat ngayon ang maliwanag na katibayan. Kahit pa binansagang epicenter ng COVID-19 at walang-basehang nag-akusa si Donald Trump at mga alyado nya sa loob at labas ng U.S. na ang SARS-CoV-2 ay isang “China virus”, matayog ngayong nakatindig ang China pag pinag-uusapan ang COVID-19. Isa ito sa mangilan-ngilang mga bansang malinaw na napangibabawan na ang COVID-19. Kasama ng China ang Cuba, Vietnam, Thailand at, oo, pati Taiwan na bahagi naman ng China. Walang nauulat na bagong mga kaso sa China, di gaya ng Trumpland USA, ang ngayo’y namamayagpag na lider sa dami ng kaso ng COVID-19, sa tulong ng sistemang pangkalusugan na bumulagang may malalim na lamat. Sumunod kay Romanoff ay mga detalyado at tapat na pagsalaysay ng di-nagpakilalang mamamayang Tsino at dayong taga-Nigeria na mismong nasa China nang pumutok ang COVID-19. Ang masamang bahagi ng COVID-19 sa ekonomya Tumungo ang Ikatlong Bahagi sa larangang pang-ekonomya ng krisis COVID-19. Nilatag ng ekonomistang si Jack Rasmus ang masamang pangitain para sa ekonomya ng U.S. na sinalanta ng coronavirus. Tinuturo ng sala-salansang mga krisis sa kalusugan, empleo, kabuhayan, renta at real estate, pangangalaga sa bata, at edukasyon ang “isang mahaba, mahina at di-stableng pag-ahon ng ekonomya—wag ipagkamali sa pansamantalang bawi sa tag-araw—na aabutin ng taon bago matapos”. Sinabayan ng ekonomistang si Michael Hudson ang pagturing ni Rasmus sa masamang kalalagyan ng ekonomya ng U.S.—o mas tamang sabihing mismong sambayanang Amerikano. Binisto ni Hudson na—gaya nung 2008—ang iilang mga kroning plutokrata at bankster ng political class ay muling “sasagipin” ng libreng pamigay na bilyun-bilyong dolyar, sa teribleng kapahamakan ng daan-milyong Amerikano. Tinuturo ni Hudson na isang malalim na ugat ng mga suliraning pang-ekonomya ng U.S. ay ang pagtalikod sa modelong Levitical ng pana-panahong pagtawad at pagkansela ng utang—ang tradisyong Jubilee na matatagpuan sa Lumang Tipan ng Kristyanong Bibliya. Nangahas naman ang geopolitical analyst na si Peter Koenig na silawan ang kahindik-hindik na aspeto ng kasalukuyang krisis. Binanggit niya ang 2010 Rockefeller Report na kataka-takang nagturo sa a program that starts in 2020 with a corona pandemic. It would start in China and in no time, it would engulf the entire globe. That initial phase is called ‘The Lockstep Scenario.’ (isang programang sisimulan ng pandemyang corona sa 2020. Magmumula sa China at gagapiin ang buong mundo. Tawag sa unang yugtong ito ay ‘Senaryong Lockstep’.) Estima ni Koenig na sasalantain ng “nabansagang” pandemya ang malalawak na bahagi ng pandaigdigang ekonomya at magbubunsod ito ng halimaw na “New or One World Order” na katatangian ng lubusang digitized na buhay ng mga tao. Ganitong di-nalalayong kinabukasang digitalized ang pangitain din ng Agenda ID2020, paboritong proyekto ng “pilantropo sa bakuna” na si Bill Gates na nagpundar sa Microsoft. Halos kasintulad na senaryo din ang sentral na tema ng Event 201 simulation na ginanap noong Oktubre 2019 sa New York, na inisponsor ng foundation ni Gates, ng Johns Hopkins Institute for Health, at ang World Economic Forum na tagpuan ng mga plutokrata. Kasama ang W.H.O., World Bank, UNICEF, at ang U.S. at Chinese CDCs (Centers for Disease Control and Prevention) sa mga tanyag na kalahok ng Event 201. At makalipas lang ng isang buwan pagkatapos ng Event 201, voila! Lumitaw ang mga unang ulat ng bagong sakit na coronavirus sa Wuhan, China. Binigyang-diin ni Koenig ang mga positibong bagay para sa China bilang lumilitaw na world power, gaya ng pagbibigay-halaga sa public banking, at “ang pilosopyang Tsino ng walang agresyon, ng diplomasya para maresolba ang mga tunggalian at ng pagbandila ng mapayapang sabayang-pag-iral ng ekonomya (peaceful economic coexistence) at pag-unlad sa buong mundo”. Binando nya ang proyekto ng China na magtayo ng “Ekonomya ng Kapayapaan”. Mahirap nga lang isipin kung paanong tumutugma ang ganitong mga anunsyong intensyon sa matagal nang panggagaya ng China sa U.S. sa pagbuo ng pandaigdigang network ng sarili nitong mga base militar—marami pa nga dito’y napakalayo na sa prontera ng China. COVID-19 at ang Kapitalistang Uring Transnasyonal Inayudahan ng propesor na si William Robinson ang mga pangitaing mapanglaw nina Rasmus at Koenig para sa kinabukasan. Aniya’y maalam ang naghaharing kapitalistang uring transnasyonal (transnational capitalist class o TCC) sa mundo na isang “tumitiktok na time bomb” ang ekonomya ng mundo at nangailangan lang na “may mitsa at ito’y nagkaanyo ng coronavirus.” Ginagamit ng mismong naghaharing uri ang kasalukuyang krisis ng mundo para itulak ang planong lalo pang “konsolidahin ang police state ng mundo” sa pagpataw ng mga bansa ng mga mapaniil na hakbangin na mas malala pa sa mga ipinataw matapos ang mga teroristang atake noong 9/11 ng 2001. Paliwanag nya: Global police state refers to three interrelated developments: 1) militarized accumulation, as a means of accumulating capital in the face of stagnation; 2) systems of mass social control and repression to contain the oppressed; and 3) the increasing move towards political systems that can be characterized as twenty-first century fascism and even as totalitarian. (Ang pandaigdigang police state ay tumutukoy sa tatlong magkakaugnay na kaganapan: 1) militarisadong akumulasyon, bilang paraan ng akumulasyon ng kapital sa harap ng pagkalugmok ng ekonomya; 2) mga sistema ng pagkontrol at pagsupil sa masa para gapiin ang api; at 3) ang pagtungo ng mga sistemang pampulitika sa matataguriang siglo beinte-unong pasismo at pagiging totalitaryan.) Sa pagtatapos, nanawagan si Robinson: The COVID-19 pandemic marks a before-and-after turning point. We have entered into a period of mounting chaos in the world capitalist system. Short of revolution, we must struggle now to prevent our rulers from turning the crisis and its aftermath into an opportunity for them to resuscitate and deepen the neoliberal order once the dust settles. Our struggle is to push for something along the lines of a global Green New Deal as an interim program while seeking an accumulation of forces for more radical system change. Left and progressive forces must position themselves now to beat back the threat of war and the global police state and to push the coming upheavals in a direction that empowers the global working and popular classes. (Sangandaan sa kasaysayan ang pandemyang COVID-19. Pumapasok tayo sa panahon ng lumalalang gulo sa sistemang kapitalista ng mundo. Liban sa magrebolusyon, nararapat na makibaka tayo para pigilan ang mga naghahari na itransporma ang krisis at ang susunod ditong yugto bilang oportunidad para buhayin nilang muli at palalimin ang kaayusang neoliberal pagklaro ng alikabok. Makibaka para itulak ang hawig sa isang pandaigdigang Green New Deal bilang programang pantawid habang nag-iipon ng pwersa para sa mas radikal na pagbago ng sistema. Nararapat pumusisyon na ang mga pwersang kaliwa at progresibo para iatras ang banta ng gera at pandaigdigang police state at itulak ang napipintong mga pag-aaklas sa direksyong nagbibigay-kapangyarihan sa mga uring anakpawis at popular.) Karima-rimarim na network ng biowarfare sa mundo Sa Ikaapat na Bahagi, nagpokus ang peryodistang si Whitney Webb sa isang mahigpit na kinukubling dimensyon ng kasalukuyang krisis COVID-19: ang kahindik-hindik na pandaigdigang industriya ng biowarfare at ang nakasusuklam na kasaysayan nito. At may dagdag pa. Sinundan ni Webb ang bakas ng maagang disimpormasyon na kaydaling nagturo sa gubyerno ng China na maysala sa likod ng COVID-19. Tumungo ang bakas ng disinfo sa Radio Free Asia na katiwala ng U.S. C.I.A. kasama ang Washington Times. Nilantad nya ang karima-rimarim na network ng bioweaponry sa mundo na hayagan at kubling pinopondohan ng Pentagon ng U.S. sa ilalim ng samut saring programa na kasama ang mga high-security na laboratoryong “biodefense” sa hangganan ng China at Russia na hawak ng U.S.; ang pasilidad ng USAMRIID sa Fort Detrick, Maryland, USA; mga unibersidad sa Amerika; ang tumanyag na Wuhan Institute of Virology sa China, pati ang mga kumpanyang Big Pharma na nag-uunahang iprodyus ang bakunang COVID-19. Dinudugtong ni Webb ang mga ito sa notoryus na manipestong “Rebuilding America’s Defenses” na inilabas noong Setyembre 2000 ng Project for a New American Century (PNAC) na pirmado ng prominenteng neokonserbatibo. Nanawagan ang manipestong ito ng mga abanteng uri ng biowarfare na “tumatarget” sa mga ispesipikong genotype para dalhin ang maitim na larangang ito ng syensya “mula sa saklaw ng terror patungo sa isang kasangkapang mahalaga sa pulitika.” Bridgewater at ang COVID-19 bilang economic warfare Inuugnay naman ng inhinyerong si Claudio Peretti ang biowarfare at panggegera sa ekonomya (economic warfare). Sinasabayan nya ang pagdiin ng kaambag nya sa libro sa mahigpit na halagang malalimang imbestigahan ang paglitaw ng COVID-19 at ang pagkakadawit ng sakit na ito sa mga umiiral na proyektong biodefense. Importante ang akda ni Peretti sa imbestigasyong COVID-19 sa pagbahagi sa maaaring malalim na maagang pagkaalam sa COVID-19 ng Bridgewater, isa sa pinakamalaking hedge fund sa mundo. Nabalita kasi noong Nobyembre 2019 na naghapag ang Bridgewater ng walang kaparis sa halagang US$1.5-bilyon na taya sa options na babagsak nang malaki ang ekonomya ng mundo sa Marso 2020. Ewan ko sa inyo, pero sa ganang akin siraulo kang tunay kung maghahapag ka ng bilyon-dolyar na taya noong Nobyembre 2019 na babagsak ang ekonomya ng daigdig paglipas lang ng apat na buwan. Pero pumatok ang pusta ng Bridgewater. Tila sobrang patok at eksakto pa nga ang pustang ito, dahil wala sinuman ang may ideya noong sisirain ng COVID-19 ang ekonomya ng daigdig sa mismong buwan ng Marso 2020. Sa paghugot mula sa napakaanomalyang pangyayaring ito, nasabi ni Peretti na tila may mas makamandag pang virus sa SARS-CoV-2, at tinawag nya itong “Finanz-virus”. Eugenics at hybrid warfare sa kaibuturan ng COVID-19 Sinuri naman ni Cynthia McKinney, ang mismong editor ng buong libro, sa kanyang akda ang lugar ng eugenics—na ang kahulugan ay “paniniwala at pagsasapraktika ng selektibong pagbuo (at pagste-sterilize) ng mga tao sa layuning makalikha ng ‘Master Race’”—pati ang hybrid warfare—na sumasaklaw sa paggamit ng lahat ng hayag at kubling teknolohiyang panggera labas sa panggegerang kumbensyonal at nukleyar—sa kaibuturan ng salantang COVID-19 sa mundo. Naglista sya ng mga importanteng sandali sa madilim na kasaysayan ng biowarfare at paggamit dito ng mga makapangyarihang bansa sa mundo kahit sa panahong tahasang pinagbabawal na ito ng mga pandaigdigang kasunduan. Maraming materyal na ambag ang akda nya sa siryosong pagsusuri ng COVID-19. Isa dito ay ang misteryosong pagsasara ng U.S. CDC noong August 2019 sa umano’y ultra-ligtas na USAMRIID biolab sa Fort Detrick sa dahilang nagkulang itong magkaroon ng up-to-date log ng lahat ng mga toxin na taglay nito, at nagkulang ding ‘ipatupad at imantini ang mga patakarang containment na sapat para sa mga piling (ibig sabihin, sobrang mapanganib) na mga toxin’. Katakataka at tahimik na nabuksan muli ang Fort Detrick sa kasalukuyan. Biowarfare laban sa sangkatauhan Sinimulan ng manunulat na si Gary D. Barnett ang Ikalimang Bahagi sa pagtutok sa U.S. bilang numero unong bansang naglalaan ng pinakamalaking rekurso para sa iligal na biological at chemical warfare magpahanggang ngayon. Tinatarget ng mga operasyong biowarfare na ito hindi lamang ang mga dayuhang bansa at ang kanilang milyun-milyong inosenteng mamamayan. Naglista si Barnett ng mga insidente sa kasaysayan ng kasuklam-suklam na biowarfare experimentation na bumiktima hindi lamang sa mga sundalong Amerikano at empleyado ng military-industrial complex, kundi maging mga ordinaryong sibilyang Amerikano. (Hindi na nga kelangang lumayo pa sa nakalipas. Itong Agosto lamang, sa gitna ng krisis COVID-19, nagpakawala ang mga awtoridad ng 750 milyong lamok na genetically modified sa Florida, nang walang paunang abiso sa mismong mga taga-Florida.) Mariing nagtapos si Barnett: The insanity of bioweapon research, development, and use largely driven by the U.S., threatens not only every American, but puts everyone on earth at risk of sickness, suffering, and death. Due to these risks all of us are also subject to the prospect of abject slavery. The ongoing agenda of the ruling class is power and control of the entire planet, and bio-warfare against humanity is the tool envisaged to accomplish it. (Nagbabanta ang kahibangang tulak pangunahin ng U.S. ng pananaliksik, pagbuo at paggamit ng bioweapons di lamang sa bawat Amerikano, maging ang lahat ng nasa mundo ay namimiligro sa sakit, pagdarahop, at kamatayan. Pinapatawan tayong lahat ng tahasang pagkaalipin bunga ng mga peligrong ito. Kapangyarihan at kontrol ng buong planeta ang isinasagawang adyenda ng naghaharing uri, at ang biowarfare laban sa sangkatauhan ang nakikitang kasangkapan para makamit ito.) Pasistang dystopia paglipas ng COVID-19 Binanggit naman ng komentaristang si Helen Buyniski ang maraming pangyayari at hakbangin sa ibat ibang sulok ng mundo na nagpapakita sa klarong pasista at korporatistang adyenda ng mga nasa rurok ng kapangyarihan na nagbibigay-katwiran sa mga imposisyong lockdown a la batas militar medikal at sa ekonomya. Binubuo nya ang larawan ng isang tutoong-mangyayaring kinabukasang dystopian na magpapahamak sa sangkatauhan. Pinuntirya nya ang Blackrock, ang pinakamalaking asset manager sa kasaysayan na may halagang trilyong dolyar, na hinirang na magpapatakbo sa pinakamalaking konsolidasyon ng yaman ng pinakamalalaking plutokrata sa kasaysayan sabay ng walang-kaparis na pagsalanta sa kabuhayan sa buong planeta. Nagbabala si Buyniski sa pagtatapos: Those who lived through 9/11 [of 2001] and saw the destruction it wrought upon the U.S.’ national character can see it happening again on an international scale. It is our duty to warn the world and avert that outcome. One country falling under the thrall of a totalitarian technocratic police state is a tragedy; the entire world falling under an authoritarian global government is a nightmare from which humanity might never wake up. (Nasasaksihan ng yaong mga nakaalpas ng 9/11 [ng 2001] at nakita ang pagsira nito sa pambansang katangian ng U.S. ang katulad na pagsirang ito ngayon sa antas pandaigdig. Tungkulin nating bigyang-babala ang mundo at pigilang mangyari ito. Trahedya ang mahulog ang isang bansa sa bitag ng isang totalitarian at teknokratikong police state; ang mahulog ang buong planeta sa isang awtoritaryang gubyerno ng daigdig ay bangungot na maaaring hindi na pagmulatan ng sangkatauhan. Bagong kaisipan hinggil sa karapatang pantao pagkatapos ng COVID-19 Sa gitna ng malungkot at malagim na pangitain, nagtatapos ang libro sa optimismo ni Alfred de Zayas, retiradong opisyal ng United Nations (UN). Mangahas syang nagmumungkahi ng isang “Pandaigdigang Kumperensya sa Pagbawi Pagkatapos ng Covid”. Isang pangunahing adyenda ng pagtitipong ito ay ang pagbasura sa kasalukuyang “lipas at artipisyal na paghahati-hati ng karapatang pantao” na nagbunsod sa “isang kaayusang pandaigdig na kadalasa’y nagbibigay-layaw sa inhustisya” at pagpalit dito ng isang functional paradigm that would consider rights in the light of their function within a coherent system—not of competing rights and aspirations, but of interrelated, mutually reinforcing rights which should be applied in their interdependence and understood in the context of a coordinated strategy to serve the ultimate goal of achieving human dignity in all of its manifestations. (kapaki-pakinabang na pagturing sa karapatan sa kanilang papel sa isang sistemang magkakaugnay-ugnay—hindi ng nagtutunggaling karapatan at adhikain, pero ng nag-uugnayan, at mutwal na nagpapatibay na mga karapatan na marapat na pinatutupad sa kanilang pagsandig sa isa’t isa at nauunawaan sa konteksto ng isang koordinadong istratehiya na maglingkod sa punong layunin na kamtin ang dignidad ng tao sa lahat ng mga manipestasyon nito.) Kapansin-pansing hitik ang libro sa mahigpit na mensahe sa mambabasa na kumilos ngayong panahon ng krisis COVID-19. Dapat lang naman: Ngayon lamang matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig saksi tayong lahat sa isang tutohanang pandaigdigang opensiba laban sa katotohanan, kalusugan, kapakanan at kalayaan para sa sangkatauhan. Ang lalo pang pagkonsolida sa Siglo-Beinte-Unong Pandaigdigang Pasismo na isinalarawan sa koleksyong ito ng mapang-udyok na mga akda ay napakaimportanteng usapin para sa lahat ng mamamayan ng daigdig. Bilang lunas sa ating pagkalunod sa misimpormasyon at disimpormasyon, taos-pusong pasasalamat ang nararapat lang iparating sa pabliser, editor at mga nag-ambag sa karapat-dapat basahing librong ito. “The line it is drawn, the curse it is cast,” (Linya’y ginuhit na, sumpa’y tinakda na), gaya ng inawit ng makatang rocker na si Bob Dylan. Marami-raming pag-aalis, pagkakalas, pagsilab, paglansag, pag-aaklas, at pagbabalikwas ang sama-sama pa nating haharapin. #### Isang mananaliksik at aktibistang pulitikal at kultural si JOEL P. GARDUCE. Nalimbag ang ilang mga artikulo nya sa Bulatlat, Ibon Foundation, at Global Research, at nasalin ang ilan sa ibang wika. Dating kolumnista sya ng isang dyaryo sa Cebu. Siya’y naging presidente ng Philippine Science High School Alumni Association (PSHSAA), nagsalita na sa mga internasyonal na kumperensya, naging direktor ng Concerned Artists of the Philippines (CAP) at pambansang opiser ng League of Filipino Students (LFS) noong unang hati ng dekada ’80. Paminsan-minsan ay umaawit siya bilang baho (bass) sa People’s Chorale. Comments are closed.
|
Details
AuthorCOVID-19 Global Solidarity Coalition Members Archives
October 2020
Categories |